-- Advertisements --

Nag-abiso na umano ang mga otoridad sa pamilya ng mga napatay na miyembro ng CPP-NPA sa lalawigan ng Palawan.

Ayon kay B/Gen. Nestor Herico, commander ng 3rd Marine Brigade, ilan pa lang sa mga nasawi sa sagupaan ang maaari nilang mailabas, dahil ang iba ay hindi pa naaabisuhan ang mga pamilya.

Kabilang sa mga napatay ang anak ni dating CPP-NPA spokesman Gregorio Rosal alyas ka Roger na si Andrea Rosal.

Nabatid umano ng mga otoridad na ang nakababatang Rosal ay deputy secretary ng Magramo unit ng naturang grupo.

Kasama rin sa nasawi si Bonifacio Magramo alyas Boywan, na siyang secretary ng Unit 4E ng NPA Southern Tagalog Regional Committee.

Naniniwala ang militar na malaki ang magiging epekto ng pagkamatay nina Rosal at Magramo para mapahina ang puwersa ng mga rebelde sa nasabing probinsya.