-- Advertisements --

Hindi na napigilan ng VMX actress na si Liana Rosales na magsalita tungkol sa estado ng kanyang ama na si Jeremiah Rosales kaugnay ng umano’y pagtakas nito mula sa rehabilitation facility.

Si Liana, na ikalawa sa apat na anak ni Jeremiah at Jhen Go, ay nagsabing nagulat siya sa nangyari dahil layunin lamang ng kanilang pamilya na matulungan ang kaniyang ama na makarekober.

“Nagulat po ako dahil hindi ko expected na matatakasan niya yung rehab. Kaya lang po namin ginagawa ’yon para sa sarili niya. Para magtino siya kasi matanda na siya,” saad ni Liana.

Ayon kay Liana, nakatakda sanang ipasok sa rehabilitation facility si Jeremiah noong Hunyo 20 dahil sa lumalala nitong kondisyon. Gayunpaman, bago pa man ito maipasok, nakatakas umano ang ama.

Nanawagan din si Liana sa kaniyang ama na magpakita na at sumailalim sa rehabilitasyon para sa kaniyang kapakanan.

Matatandaang iniulat ni Jhen Go sa isang Facebook post noong Huwebes na nawawala si Jeremiah at huling namataang sakay ng motorsiklo sa Maia Alta Subdivision.

Gayunpaman, nilinaw ng kapatid nitong si Jericho Rosales sa hiwalay na Facebook post nitong Biyernes na ligtas si Jeremiah at kasalukuyang nasa kanilang pamilya sa probinsya.

Ayon kay Jericho, hindi nawawala ang kaniyang kapatid at nasa maayos na kalagayan.