-- Advertisements --

Magkahalong emosyon ang naramdaman ng Cebuano topnotcher matapos nalaman na nangunguna ito sa inilabas na resulta ng April 2024 Electrical Engineers Licensure Examination matapos nakakuha ito ng rating na 95%.

Si Raymond Omboy Geoman na nagtapos sa Cebu Institute of Technology-University ay ang ika-88 topnotcher ng unibersidad.

Sa isinagawang presscon kahapon, Mayo 4, sinabi pa ni Geoman na mayroon umano siyang sapat na mga paghahanda pero hindi nito inaasahan na mag Top 1 lalo pa’t mayroong mahigit 7,000 kumuha ng naturang exam at may mga tanong din umanong nahihirapan talaga siya kaya isa pa aniya itong karangalan.

Ibinahagi pa ng Cebuano topnotcher na halos hindi rin makapaniwala ang kanyang ama sa nakamit nito lalo pa’t simple lang ang kanilang pamumuhay sa Mantalongon bayan ng Dalaguete Cebu.

Ang ama nito ay isang construction worker habang ang kanyang ina ay nasa bahay lang at aminado din siya na dumaan sila sa hirap kaya ito umano ang kanyang inspirasyon upang makamit ang higit pa sa buhay.

Kung wala ang pagiging topnotcher, siya ay isang simpleng tao lang umano na may mausisang pag-iisip dahil mahilig siyang mag-disassemble at inaalam kung paano gumagana ang isang bagay.