Posibleng pagbotohan ng House plenary sa ikalawang linggo ng Mayo ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Kasunod ito ng naging pasya ng House Committee on Justice na may probable cause ang dalawang impeachment complaints at dapat itong iakyat sa plenaryo. Nakatakda ring magpulong ang komite sa Lunes para sa pag-apruba ng committee report.
Sa botong 53-0, sinabi ng komite na may sapat na basehan para umusad ang kaso, at na-consolidate na rin ang dalawang reklamo laban sa bise presidente.
Ayon kay Chua, kailangan ng 106 boto o isang-katlo ng Kamara para maisumite ang articles of impeachment sa Senado, at naniniwala siyang malapit na itong makuha.
Gayunman, binigyang-diin din niya na maaaring makaapekto sa magiging desisyon ng Senado ang pulitika, lalo na’t papalapit ang 2028 elections kung saan inihayag ni Duterte ang planong pagtakbo sa pagkapangulo.
Mariing itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon, kabilang ang umano’y misuse of confidential funds, unexplained wealth, at assassination plot laban sa Pangulo, at iginiit nilang lumihis ang proseso ng komite sa tamang constitutional procedure.(Report by Bombo Jai)















