-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng mas malalim at komprehensibong imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control, sa halip na ituon lamang umano ang pansin sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa isang panayam, iginiit ni Cayetano na hindi sapat ang pagtalakay sa paunang ulat kung hindi naman nito nasasaklaw ang buong larawan ng isyu.

Ayon sa senador, may panganib na malimitahan ang imbestigasyon kung ang magiging batayan lamang ay ang draft report na inilabas ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chair Panfilo “Ping”  Lacson noong Pebrero, na hanggang ngayon ay hindi pa rin pirmado ng sapat na bilang ng mga senador upang maiharap sa plenaryo.

“May oportunidad tayo na ayusin ang ugat ng problema, hindi lang one-time, big-time,” ani Cayetano, sabay diin na mas mahalagang tuklasin ang sistemikong isyu kaysa magmadali sa konklusyon batay sa hindi pa pinal na ulat.

Inamin din niya na bagama’t nabasa na ng ilang senador ang naturang report, hindi pa umano nagkakasundo ang mga ito sa ilang nilalaman, dahilan upang kailanganin pa itong masusing suriin.

Hindi rin aniya nangangahulugan na ayaw pumirma ng ilang mambabatas, kundi may mga bahagi lamang na nangangailangan ng karagdagang paghimay at paglilinaw.

Samantala, binigyang-diin ni Cayetano na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at inaasahang mas marami pang testimonya at ebidensya ang lalabas sa mga susunod na pagdinig.

“Ako personally, hindi pa tapos. Marami pang yugto ang daraanan,” ani Cayetano. 

Pinuna rin ng senador ang umano’y maling pag-frame ng isyu sa simula, partikular ang paglalagay ng label na “ghost projects” sa lahat ng proyekto, na kalaunan ay inaming hindi naman umano ganap na totoo.

“Hindi lahat ghost, pero pinalabas na lahat ghost para mas maraming magalit,” paliwanag niya.

Para kay Cayetano, ang magkakaibang bersyon at pabago-bagong pahayag ng mga sangkot ay nagpapakita lamang na kinakailangan pa ng masusing at tuloy-tuloy na pagsusuri bago makabuo ng matibay na konklusyon.

Sa huli, iginiit ng Minority Leader na mahalagang makita ang kabuuang konteksto ng isyu, lalo’t aniya’y indikasyon ito ng mas malalim na problema sa sistema.