CEBU CITY – Nahaharap sa kasong parricide at frustrated parricide ang isang lalaki na siyang pinaniwalaang sumaksak sa sarili nitong mga magulang sa Barangay Mohon, Talisay City, Cebu.
Patay sa pananaksak ang amang si Juanito Ferrocho, 57-anyos, habang duguan ang inang si Jen Fernandez, 49-anyos.
Ang suspek ay nagngangalang Martin Fernandez, 26-anyos na residente ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigador na si Patrolman Ariel Balde ng Talisay-Philippine National Police, hindi pinayagan ng kanyang mga magulang na lumabas ng bahay si Martin.
Sa sobrang galit, kumuha umano ang suspek ng kutsilyo at sinaksak ang natutulog niyang mga magulang.
Dinala agad sa pagamutan ang biktima ngunit agad ding binawian ng buhay ang ama habang ginagamot pa ang sugatang ina.
Nadakip naman ng mga pulis si Martin na sinasabing nagtangka pang tumakas.
Samantala, hindi naman daw lango sa alak at hindi rin lulong sa ipinagbabawal na gamot ang suspek nang mangyari ang krimen.
Nakakulong na ang suspek sa Talisay City-PNP lockup cell habang inihahanda na ang kakaharapin nitong kaso sa piskalya.