-- Advertisements --

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na intensiyonal na inabandona ng mga salaring nakasuot ng masks o takip sa mukha ang limang kabaong na nadiskubre sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila nitong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7.

Sa isang pahayag, kinumpirma rin ng NCRPO ang pagkakadiskubre ng mga ito sa Sta. Cruz Manila, Barangay 54 sa Caloocan City, Brgy. South Triangle sa Quezon City, Brgy. Sta Tereista sa Quezon City at sa Gil Puyat sa Makati City.

Ayon sa NCRPO, dalawang van na kulay puti at gray ang sinakyan ng mga salarin nang isagawa nila ang pag-abandona sa mga kabaong, na may mga nakalagay na mensaheng laban sa China at Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Kaugany nito, ipinag-utos na ni PNP chief Gen. Jose Melencio Naratez Jr. ang komprehensibong imbestigasyon sa pag-iwan ng mga naturang kabaong.

Sa ngayon, nagsasagawa na ang mga imbestigador ng NCRPO ng backtracking at forward tracking sa mga CCTV footages sa mga posibleng dinaanan ng mga salarin.

Samantala, tiniyak naman ng pulisya na mapapanagot ang mga nasa likod ng anila’y “duwag na gawain” sa pamamagitan ng pagtugis sa mga resposable dito at sasampahan ng kasong kriminal sa oras na makumpleto na ang imbestigasyon.