Hinatulan na ng korte sa ng 15 taong pagkakakulong ang ama ng isang teenager na responsable sa mass shooting sa isang high school sa Georgia, U.S.A noong 2024 na ikinasawi ng apat na katao.
Si Colin Gray, 55-anyos, ay nahatulang guilty matapos mapatunayang nagpabaya ito at ibinigay sa kaniyang anak na si Colt Gray ang baril na ginamit sa insidente.
Nauna nang sinentensiyahan si Colt Gray, na ngayon ay 16-anyos, ng habambuhay na pagkakakulong nang walang posibilidad ng parole dahil sa pamamaril sa paaralan.
Ayon kay Judge Nicholas Primm, bagama’t hindi matatawaran ang sakit na idinulot ng trahedya sa mga biktima at kanilang pamilya, kailangan pa ring ihiwalay ang pananagutan ng ama sa mismong krimeng ginawa ng kaniyang anak.
Nabatid na itinuturing na kauna-unahan sa Georgia na hinatulan ng second-degree murder ang isang magulang dahil sa mass shooting na isinagawa ng kaniyang anak.
Ayon sa mga prosecutor, may mga palatandaan na umano na mayroong marahas na pag-uugali ang binatilyo bago pa man ang pamamaril, ngunit hindi ito nabigyan ng sapat na aksyon ng kaniyang magulang sa halip ay tila nakonsinte pa ang pagiging bayolente ng kanilang anak.
Patuloy namang ginagamit ng mga prosecutor sa Estados Unidos ang ganitong legal na hakbang upang papanagutin ang mga magulang na pinaniniwalaang nagpabaya sa pagpapalaki sa kanilang mga anak lalo na sa pag-handle ng mga baril, bilang bahagi ng pagsugpo sa lumalalang school shooting incident sa bansa.










