CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang ama at dalawang anak nito matapos na malunod sa Ganano River sa Sta Maria, Alicia, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Norman Balinang, 42-anyos, ang kanyang dalawang anak na 16-anyos at 8-anyos, pawang mga residente ng Quezon City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Brgy. Jaime Narne ng Sta Maria, Alicia, Isabela, sinabi niya na natagpuan na ang katawan ng ama at ang isa sa dalawang anak nito.
Unang nakuha ang labi ng ama at sumunod na narecover ang labi ng kanyang 16-anyos na anak habang pinaghahanap pa ang bunsong anak.
Nakatira ang mag-aama sa Quezon City at nagbakasyon lamang sila sa bayan ng Alicia.
Matagal na panahong hindi sila nakabakasyon kaya sabik umano ang mga binatilyo na makakita muli ng ilog kaya naman sinamahan sila ng kanilang ama.
Maaaring inakala ng bunsong anak ni Balinang na mababaw lamang ang bahagi ng ilog kaya siya tumalon ngunit hindi na siya lumutang kaya tumalon din ang panganay na anak upang iligtas ang kapatid.
Sinikap ng ama na iligtas ang dalawang anak ngunit nahirapan siyang i-ahon ang mga ito dahil sila ay nasa malalim na bahagi ng ilog.
Humingi ng saklolo ang isa nilang kasama sa mga opisyal ng barangay na humingi naman ng tulong sa mga kasapi ng Rescue team ng bayan ng Alicia.
Sumisid ang isang residente na magaling lumangoy at nahawakan nito ang damit ni Norman kaya agad naiahon habang ang mga mangingisda ay nalambat ang katawan ng panganay na anak.
Patuloy pang pinaghahanap ang 8-anyos na bata.
Samantala, inihayag ni Ginang Lea Balinang na hindi niya matanggap ang sabay-sabay na pagkawala ng kanyang mag-aama.
Noong ipabatid ng kanyang babaeng anak na nalunod ang kanilang ama at dalawang kapatid ay hindi siya makapaniwala dahil marunong naman umanong lumangoy ang kanyang mister dahil lumaki sa bayan ng Alicia.
Bago nagtungo ang mag-aama sa ilog ay pinagsabihan niya ang dalawang anak na mamimingwit lamang ngunit dahil may kakulitan ang kanilang bunsong anak ay tumalon ito sa ilog at hindi siya napigilan ng ama.
Ayon kay Ginang Balinang, kaarawan pa ngayong araw ng kanyang bunsong anak.
Hindi niya alam kung paano siya magsisimula ulit dahil tatlong sabay-sabay na mahal niya sa buhay ang nawala sa kanya at buntis pa siya.
Aniya, napakaresponsable at mabait ang kanyang asawa.









