-- Advertisements --
catanduanes

Arestado ang isang tatay matapos patayin sa saksak ang dalawang anak nito na batang babae sa Barangay Western Poblacion, Baras, Catanduanes kagabi.

Ayon kay Police Lt. Col Edgar Clerigo, Provincial Community Affairs and Development-Public Information Office ng Catanduanes, rumesponde ang mga operatiba ng Baras Municipal Police Station sa tawag na natanggap na di umano ay naglalaslas ng pulso ang kanyang asawa.

Pero ang nangyari ay dinatnan nila sa lugar ang nakahandusay na katawan ng duguang mga bata.

Inatake ng suspek ang mga rumespondeng pulis gamit ang kutsilyo kung kaya ay pinaputukan ito ng baril at nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng hita.

Agad na sinugod ang sugatang suspek at ang mga bata na kapwa may tama ng saksak edad 8 at 9 taong gulang sa Bato Maternity Hospital upang lapatan ng lunas subalit ideneklarang Dead On Arrival (DOA) ang dalawang bata.

Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Bayan ng Virac ang suspek nakatakda rin siyang sampahan ng kaso dahil sa pagpatay sa dalawang anak.