BOMBO DAGUPAN – Pabor para sa Correct Movement ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Orion Perez Dumdum, ang Lead Convenor/Principal Co-Founder ng Correct Movement, nadiskubre nila na ang dahilan kung bakit napipigilang magkaroon ng direct foreign investment ang Pilipinas ay dahil sa mga restriksyon ng saligang batas.
Kamakailan ay naimbitahan itong magpahayag ng saloobin sa naganap na Public Hearing ng Committee patungkol sa Constitutional Amendments kung saan inilahad nito ang mga hinanakit ng Overseas Filipino Workers (OFW).
Umaasa kasi aniya sila na makabalik sa Pilipinas sakaling magkaroon na ng disenteng sweldo at hindi na muling mapilitang makipagsapalaran sa ibayong dagat.
Inihalintulad nito ang sistema ng Pilipinas sa Singapore at Malaysia kung saan wala umanong anumang restriksyon ang kanilang saligang batas kaya mas naaakit ang mga foreign investors na mag-invest sa kanilang mga bansa.
Mas mabisa aniya ang Parliamentary system ng mga naturang bansa kaysa sa Presidential system ng Pilipinas dahil nabibigyan ng mas mataas na kumpyansa ang mga foreign investors dahil nakikita na kapag nagkakaroon ng maliit na problema ay agad nilang napapalitan ang mga lider.
Maaari rin aniyang gawin ng Pilipinas na pahintulutan ang mga dayuhan na maging may-ari ng lupa ngunit maglagay lamang ng limitasyon sa size of ownership depende sa kategorya upang hindi rin maging kumpetensya ang mga dayuhan sa mga mahihirap na tao.
Samantala, bilang isang eksperto sa aspeto ng Technical, pinabulaanan nito ang mga binabanggit ng ilang senador na wala naman umanong problema sa konstitusyon kundi ang red tape, corruption at katiwalian, kundi epekto lamang aniya ito ng pinakaugat ng problema kung saan tinukoy nito ang hindi magandang sistema ng Pilipinas.