-- Advertisements --
image 288

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Railways (PNR) sa iba pang ahensiya at mga lokal na pamahalaan para mabigyan ng alternatibong transportasyon para sa mga maaapektuhang mananakay ng tren sa kasagsagan ng limang taong tigil-operasyon nito.

Ayon kay PNR general manager Jeremy Regino, maaaring magbukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong special lanes at mga ruta ng jeepney.

Gayundin, kokonsulta sila sa mga lokal na pamahalaan para sa mahusay na implementasyon ng mga alternatibong transporasyon.

Ayon pa sa PNR official, ang pansamantalang tigil operasyon ng PNR ay by segment at iaanunsiyo sa publiko dalawang buwan bago ang kanilang pansamantalang pagsasara.

Ang planong temporary closure ng PNR ay upang mabigyang daan ang mabilis na konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR).

Makakatipid din aniya ang pamahalaan ng P15 billion kapag inihinto ng operasyon ng PNR habang kinukumpleto ang naturang proyekto.

Pinawi naman ng pamunuan ng PNR ang pangamba na pagbabawas ng kanilang manggagawa at inihayag na ipagpapatuloy pa rin naman ang operasyon ng PNR kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng bagong linya ng tren sa south.