Nababahala si Senador JV Ejercito sa alokasyon ng pondo para sa Department of Justice (DOJ) kung saan napansin nito ang mababang confidential funds, partikular na sa National Bureau of Investigation (NBI) at cybercrime units.
Humihiling ang DOJ ng kabuuang confidential fund na nagkakahalaga ng P471.296 milyon, kung saan P475,000 lamang ang inilaan para sa cybercrime division at P211.75 milyon naman para sa Witness Protection Protection Program, parehong nasa ilalim ng Office of the Secretary.
Mula sa kabuuang ito, P20 milyon ay inilagak para sa Bureau of Immigration (BI), P175.4 milyon sa NBI at P19.2 milyon naman para sa Office of the Solicitor General (OSG).
Binigyang-diin ni Ejercito ang pangangailangang madagdagan ang confidential fund ng DOJ para sa prosecutorial functions nito at mapabuti ang investigative capabilities ng NBI, lalo na’t lumalaki ang banta ng cybercrime sa bansa.
Ayon sa mambabatas, mahalaga ang dagdag na pondo ng DOJ para matiyak na seryoso ang pamahalaan sa pagbibigay ng hustisya lalo’t higit sa mga mahihirap.
Dagdag pa niya, dapat palakasin din ang cybercrime units ng Philippine National Police (PNP) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mas epektibong mapuksa ang cybercrime sa bansa.