-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Lubos na pinangangambahan ng Alliance of Healthcare Workers ang posibleng pagbabawas ng mga tao sa hanay ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan dahil apektado ito ng malaking ikinaltas na budget ng pamahalaan sa kanilang sektor sa National Expenditure Program para sa taong 2024.

Ayon kay Robert Trani Mendoza, ang Presidente ng naturang alyansa, malaki ang magiging epekto nito sa pasahod para sa mga health workers.

Kanila rin aniyang ikinagagalit dahil kita naman ng gobyerno na malala ang understaffing na nagaganap sa kanilang hanay at magbabawas pa ng tao.

Dahil dito, marami na aniyang mga hospital na pinapaliit na ang bilang ng kanilang staffing dahil sa kakulangan sa pasahod.

Ipinaliwanag din ni Mendoza na ang budget ay mayroong tatlong kategorya na kinabibilangan ng personal services, maintenance operating and other expenses kung saan dito kinukuha ang pambili ng supply, mga gamot, pampasahod sa mga contractual at pangatlo ang capital outlay kung saan dito naman nakapaloob ang pampaayos ng mga hospital at mga makina.

Dahilan kasi aniya nito kung bakit nagbabawas ang gobyerno ng budget ay dahil sa laki ng utang ng Pilipinas.

Ngunit sa kabila nito, ang laki umano ng ikinaltas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa budget para sa kalusugan gayong inihayag niya sa kaniyang nakaraang State of the Nation Address na prayoridad niya ang kalusugan ng mga Pilipino.Sa kabuuan aniya, 13.9 bilyong piso ang ibinawas na budget para sa kanilang sektor.

Bagamat magbabawas ng empleyado ang mga hospital, tataasan naman umano ang cancer fund ngunit iginiit ni Mendoza na hindi aniya sila papayag na mangyari ito kaya’t nagsasagawa pa rin ang kanilang hanay ng kilos protesta sa mga Kongresman at mga senador.

Umaasa naman ang mga ito na makinig ang mga senador at huwag sana nilang pigilan ang mga Makabayan bloc na silang patuloy na lumalaban para sa budget pangkalusugan.

Pakiusap nalang nito na isaalang-alang pa rin ang kapakanan ng mga healthcare workers.