Humarap ngayon sa Senado ang kasalukuyang Mayor ng Bamban, Tarlac hinggil sa ikinakasang imbestigasyon ng mga Senador kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Magugunitang, in-inspeksyon nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Bamban, Tarlac, matapos itong salakayin para sa mga kaso ng human trafficking at serious illegal detention.
Sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros, dumalo si Mayor Alice Guo na dati ring negosyante upang bigyang linaw ang mga isyu na ibinabato sa kanya at sa kanilang bayan.
Nilinaw ni Mayor Alice, na hindi siya konektado o operator ng isang POGO hub.
Inamin nito na dati siyang incorporator ng Baofu land na nagmamay-ari ng lupain kung saan itinayo ang Hong Sheng Gaming Incorporated.
Kasunod nito ay nagpalit ng pangalan at naging Zun Yuan Technology.
Pag-amin din ni Mayor Alice na nakapangalan sa kanya ang metro ng Tarlac Electric Coop. o TARELCO sa compund bilang dating may-ari.
Samantala, ayon naman kay Department of the Interior and Local Government Assistant Secretary Romeo Benitez, naisumite na nila kay Secretary Benhur abalos at sa Ombudsman ang ulat ng binuong task force na nagsisiyasat sa mga local officials ng Bamban, Tarlac.
Hindi nila maaaring patawan aniya ng suspensiyon ang mga opisyal ng Bamban dahil hindi ito saklaw ng kanilang kapangyarihan.