-- Advertisements --

Patuloy ang pag-angat ni Filipina tennis star Alex Eala sa worlds women’s tennis scene matapos makamit ang kanyang bagong career-best WTA ranking na No. 70 —ang pinakamataas na puwesto niya sa ngayon.

Ang 19-anyos na si Eala ay umangat sa ranking matapos ang kanyang kampanya sa Mutua Madrid Open, kung saan tinalo niya si Victoriya Tomova ng Bulgaria sa unang round.

Ang pagkapanalo ni Eala laban kay Iga Swiatek sa Miami Open noong Marso ay nagtulak sa kanyang pagpasok sa semifinals sa WTA1000 tournament —isang makasaysayang tagumpay para sa Pilipinas at naging daan para makapasok siya sa Top 100 ng WTA rankings.

Sunod na inaasahang sasalihan ni Eala ang Italian Open mula Mayo 6–18, kung saan posible niya muling makaharap sina Jessica Pegula at Madison Keys.

Bukod dito, nakatakda ring sumabak si Eala sa Roland Garros (French Open) sa Mayo 25 hanggang Hunyo 8, kasabay ng kanyang ika-20 kaarawan sa Mayo 23, 2025.