-- Advertisements --

Patuloy ang magandang kampanya ni Alex Eala matapos nitong talunin si Mananchaya Sawangkaew ng Thailand, 6-3, 6-2, upang makapasok sa semifinals ng Birmingham Open noong Sabado.

Bagama’t nahirapan sa simula laban sa Thai netter, nakuha ng Filipina Tennis star ang momentum sa laban upang maselyuhan ang panalo sa loob ng isang oras at 21 minuto.

Sa ikalawang set, nakakuha pa ng 2-1 si Sawangkaew bago bumawi si Eala at magwagi sa limang sunod na laro upang tuluyang tapusin ang laban.

Ganito rin ang nangyari sa unang set kung saan naging tabla ang laro 1-1 at nanalo sa apat na magkakasunod na games para makuha ang malaking 5-1 kalamangan bago isara ang set, 6-3.

Dahil sa panalo, dalawang panalo na lamang ang kailangan ni Eala upang maiuwi ang kanyang ikalawang WTA 125 title matapos masungkit ang kampeonato sa Guadalajara noong nakaraang taon.