Posible na sa 2022 ay mailalagay na ang buong bansa sa ilalim ng pinakamababang COVID-19 alert level, ayon sa isang infectious disease expert.
Sinabi ni Dr. Rontgene Solante na posible ito kung sakaling manatili ang average ng bagong COVID-19 cases kada araw sa hindi lagpas 500 hanggang sa matapos ang kasalukuyang taon.
Sa ngayon, nasa ilalim pa ng Alert Level 2 ang bansa, kung saan pinapahintulutan ang ilang mga establishments at activities sa 50 percent capacity kapag indoors pero para lamang sa mga fully vaccinated at 70 percent capacity naman kapag al fresco.
Ayon kay Solante, ang testing capacity ay kadalasang mababa rin kapag Disyembre dahil karamihan sa mga tao ay dumadalo sa mga family gatherings lalo na sa araw ng Pasko kaysa piliin na mag-isolate.
Kaya naman ang testing results pagkatapos ng holidays ay maaring makita pagsapit na ng Enero 2022.
Kung sakali mang magkaroon nang pagtaas sa COVID-19 cases, sinabi ni Solante na maaring i-adjust ng IATF ang alert level status ng iba’t ibang lugar sa bansa.
Gayunman, hinimok ni Solante ang publiko na sumailalim sa RT-PCR test pagkatapos na dumalo sa social gatherings para hindi na rin malagay sa peligro ang buhay ng napapabilang sa vulnerable population, lalo pa ngayong mayroon nang Omicron variant sa Pilipinas.