-- Advertisements --

Nakatakdang irekomenda ng mga alkalde sa Metro Manila sa IATF (Inter Agency Task Force) na mailagay na ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng “Alert Level Zero.”

Ayon kay MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) General Manager Frisco San Juan Jr,, ang desisyon ng Metro Manila mayors ay nakahanda ang buong Metro Manila sa pagbaba mula Alert Level 1 patungong Alert Level 0.

Mababatid na hanggang ngayong araw na lamang ang validity ng Alert Level 1 na idineklara bago pa man nagsimula ang buwan ng Marso.

Gayunman, anuman aniya ang magiging desisyon ng IATF ay siya rin namang susundin ng mga alkalde sa Metro Manila.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na luwagan pa lalo ang Coronavirus Disease 2019 status ng bansa sa Alert Level 0.

Ito ay matapos na makapagtala ang bansa ng hindi lalagpas sa 1,000 kaso kada araw sa anim na magkasunod na araw, habang ang NCR at 38 iba pang mga lugar ay nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang Marso 15.