Maaga pa ay lumipad na patungong Jolo, Sulu nitong umaga si PNP chief Dir. Gen Oscar Albayalde.

Ayon kay PNP spokesman S/Supt Bernard Banac, nais ni Albayalde na personal na tingnan ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na kambal na pagsabog kahapon sa Mount Carmel Cathedral.

Nais din aniyang personal na maipaabot ng PNP chief ang kanyang pakikiramay sa mga biktima ng pagsabog na sa huling bilang ng PNP-ARMM ay umabot na sa 20 patay at 111 sugatan.

Dalawa sa sugatan ay miyembro ng PNP.

Ayon kay Banac, personal din kakausapin ng PNP chief ang mga pulis sa Sulu para masiguro na manatiling alerto ang kapulisan sa Jolo sa harap ng naganap na insidente ng terorismo.

Dapat sana ay pangungunahan ni Albayalde ang pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng PNP sa camp Crame ngayong umaga kasama si DILG Secretary Eduardo Año.

Subalit hindi na rin nakarating si Año sa pagdiriwang at isang kinatawan na lang ang ipinadala.

Si DILG Asec for peace and order Manuel Felix ang nagrepresenta muna kay Sec. Año.