Handa umanong humarap sa Senado ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sakaling ipatawag ito kaugnay ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay PNP spokesperson police B/Gen. Bernard Banac, nagpahayag ng kahandaan si police Gen. Oscar Albayalde na humarap sa mataas na kapulungan para sagutin ang mga ibabatong tanong kaugnay ng mga tinaguriang “ninja cops.”
Nabatid na nadamay ang pangalan ni Albayalde sa executive session ng mga senador matapos matukoy na may isang mataas na opisyal ang tumatayong protektor ng mga pasaway na pulis.
Palaisipan daw ngayon para sa PNP chief kung sinong 4-star general ang sinasabing protektor dahil siya lang naman daw ang may ganitong ranggo sa tanggapan.
Una ng isinisi ni Albayalde sa pulitika sa loob ng PNP ang kanyang pagkakadawit sa kontrobersya, lalo na’t papalapit ang kanyan retirement.