Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga local government unit na planong magtayo ng quarantine facility sa kanilang komunidad.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mahalagang i-konsidera ng LGUs ang lugar at malawak na espasyo sa pagpili ng magiging pasilidad.

Kailangan daw masiguro na kahit hindi open space ay maluwag at well-ventilated para sa mga isasailalim sa quarantine ang lugar.

Maigi rin umano na obserbahan ang higit 1 -meter distance sa mga kama, gayundin na may kanya-kanyang palikuran sa mga kwarto.

“I-consider natin sa pagpili ng lugar ang espasyo. Dapat sarado rin ang ating mga spaces kung tent ang gagamitin pero dapat may adequate ventilation. Hangga’t maaari dapat ito ay may sariling palikuran; hindi dapat na may isang palikuran lang sa maraming tao kasi made-defeat natin ang purpose ng isolation.”

“May distansyang isa’t-kalahating metro ang mga kama kung saka-sakali na ito ay isang ward at may partition ang bawat isa para sa kanilang privacy.”

“Dapat din ay ipatupad ang infection prevention and control protocol.”