-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang ipapatupad na minimum health standards kasunod ng in-extend pang enhanced community quarantine at bagong general community quarantine.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sesentro sa apat na punto ang nasabing standard: decrease vulnerability, decrease transmission, decrease contact at decrease infectiousness.

“‘Pag sinabi nating decrease vulnerability o increase resilience – ito ay mga efforts para tumaas ang resistensya natin, pisikal at mental. Magagawa natin ito kung sisiguraduhin nating kumakain tayo ng tama at masustansya, at nag-eehersisyo o
gumalaw galaw, at umiiwas sa anumang stress na nasa paligid natin.”

“‘Pag sinabi namang decrease transmission – tinutukoy po nito ang mga paraan upang hindi tayo magkahawaan, gaya ng pagsuot ng mask, paghuhugas ng kamay, wastong pag-ubo, at paglilinis ng mga bagay na malimit nating hawakan.”

“Ang pangatlo ay decrease contact – ay tumutukoy sa mga paraan para mabawasan ang contact ng mga tao gaya ng pagbabawal sa mga mass gathering, pagkakaroon ng shifts sa trabaho at online learning para sa mga estudyante.”

“Pang-apat, decrease infectiousness – tinutukoy nito ang mga paraan na ating
isinasagawa upang maagang ma-isolate ang mga taong posibleng may contact o may sintomas ng COVID-19 nang ito ay maagapan at hindi na makapanghawa pa sa iba.”

Para sa DOH, maituturing na malaking ambag kontra pagkalat ng COVID-19 ang pagsunod sa itinalagang standard.

Ngayong araw nakapagtala pa ang Health department ng 211 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kaya ang total ng COVID-19 cases ay umakyat na sa 7,192.