-- Advertisements --

Habang nananatiling mataas ang presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, muling nanawagan ang maraming middle-class na pamilyang Pilipino ng mas malawak na tulong mula sa pamahalaan.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa transportasyon at pang-araw-araw na pangangailangan, ilang ahensya ng gobyerno ang pinag-aaralan na palawakin ang mga benepisyo at isama ang mga middle-income households sa mga programang ayuda.

Ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), pinag-aaralan nito ang posibleng dagdag na benepisyo para sa mga middle-income contributors.

Samantala, sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na tinitingnan din ng pamahalaan ang posibilidad ng pansamantalang pagsuspinde ng ilang kontribusyon para sa mga nasa middle class.

Batay sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang middle-income households sa bansa ay yung may kita mula humigit-kumulang P13,873 hanggang P166,476 kada buwan, depende sa kategorya ng kanilang kinikita.

Gayunpaman, sa kabila ng ganitong klasipikasyon, lumalabas sa mga pag-aaral na nananatiling “vulnerable” o madaling maapektuhan ang middle class, lalo na sa gitna ng mga krisis gaya ng pandemya at pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ayon sa ulat, 51 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, na nagpapakita ng patuloy na hamon sa antas ng pamumuhay sa bansa.

Ayon naman sa mga eksperto, bagama’t lumalaki ang bilang ng middle-income households, marami pa rin sa kanila ang nananatiling nasa panganib na bumagsak sa mas mababang antas ng kita, partikular sa mga lugar na may limitadong oportunidad tulad ng trabaho.

Patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga polisiya na maaaring magbigay ng mas angkop na tulong kung saan sinabi ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano, isa sa mga napag-uusapan sa loob ng UPLIFT Committee ang posibilidad na palawigin ang fuel discounts hindi lamang sa public utility vehicles kundi pati narin sa mga private motorists.