Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng tamang impormasyon habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa, para maiwasan ang hiwalay na pagkalat din ng maling balita o “infodemic.”
Kabilang sa inilunsad na bagong BIDA Campaign ng DOH ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa COVID-10 upang masigurong protektado ang publiko.
“Mula nang magsimula ang pandemya madaming kumakalat na paniniwalat at fake news tungkol sa COVID-19 virus,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Kahit na minsan ang mga impormasyong kumakalat ay meaningless at hindi gagana sa COVID, karamihan ay mga impormasyon na maaaring makapagdulot ng pinsala sa mga sumusunod dito.”
Ilang “myth” o paniniwala tungkol sa COVID-19 at ilang aktibidad ang binigyang linaw ng DOH:
- Paggamit ng thermal scanner – sumusukat sa init na nagmumula sa balat kaya hindi ito nakakasama sa katawan; mabisa para malaman kung may lagnat o wala ang isang tao
- Budesonide – ginagamit lang para sa mga may sakit na asthma; tumutulong para maiwasan ang pamamaga ng baga o lungs; hindi ligtas para sa COVID-19 patients lalo na kung walang reseta ng doktor
- Aerial spraying sa Luzon – Hindi inirerekomenda ng DOH ang anumang uri ng disinfection sa pamamagitan ng spraying; mapanganib ang pag-spray ng disinfectant solution sa tao
- Paggamit ng tuob – Walang pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ito sa COVID-19; nakakapagparami ng secretion o likido sa ilong na naipapasa kapag bumahing; pwedeng magdulat ng aksidente tulad ng burn o pagkapaso
- Dexamethasone – Ginagamit lang sa mga pasyenteng kritikal ang sitwasyon; wala pang ebidensya na epektibo sa COVID-19; posibleng magdulot ng panganib ang maling paggamit
- Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin o suka – Hindi aprubadong gamot sa COVID-19; walang ebidensya na epektibo laban sa virus; panandaliang ginhawa sa sintomas lang ang dulot
- Hydroxychloroquine – Hindi na ginagamit bilang clinical trial drug sa COVID-19 patients; orihinal na dinevelop para sa malaria patients; ipinatigil na ng WHO
- Reuse ng surgical mask – itapon kapag nadumihan na; hindi washable at reusable; pwedeng makahawa kapag dalawang beses ginamit
- Tanduay-Zonrox mixture bilang alternatibo sa alcohol – Hindi sapat ang alcohol content na alak para maging alternatibo; may sangkap na bleach na posibleng magdulot ng masamang epekto sa balat ang Zonrox; dapat ay higit 70% ang alcohol content ng alcohol-based sanitizers
- Pinakuluang lemon juice-honey-aspirin – hindi kayang pagalingin ng mixture ang patients ng COVID-19; panandaliang ginhawa lang ang dulot ng traditional medicine
- Bawang – Hindi kayang labanan ng allicin content ng bawang ang virus ng COVID-19.
Payo ni Vergeire, dapat siguruhin ng bawat indibidwal na may scientific basis ang mga impormasyon na kanilang tinatanggap at ibinabahagi.
“Ang pagkalat ng maling impormasyon ay hindi makakatulong sa atin sa pandemya dahil makakadagdag lang ito sa pangamba at pagkabalisa.”
“Maaari itong magdulot ng pinsala dahil may mga ibang impormasyon na nagsasabi sa ating gumamit ng gamot o bagay na hindi dapat natin ginagamit.”
Sa huling tala ng DOH pumalo na sa 65,304 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.