VIGAN CITY – Bumuo ng aksiyon center laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang provincial government ng Ilocos Sur sa pamumuno ni Governor Ryan Singson.
Ito ay matapos na magbitiw sa puwesto si Singson bilang chairman ng local Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 nitong nakaraan dahil sa hindi pagsunod ng isang chief of police sa kaniyang direktiba hinggil sa pagpasok ng mga local residents mula sa iba’t ibang lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, binigyang-diin ng gobernador na bilang ama ng lalawigan ay responsibilidad pa rin nitong pangalagaan ang kapakanan ng publiko kahit hindi na ito ang chairman ng local IATF.
Sa nasabing aksyon center, walang maitatalagang national agency kagaya ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Interior and Local Government (DILG) upang hindi magkagulo at upang mapabilis ang trabaho ng lalawigan sa pagtutok sa pagsugpo sa coronavirus disease.
Ipinangako ng gobernador na kahit hindi siya ang namumuno sa IATF ay gagawin niya ang lahat upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente sa lalawigan upang mapanatiling COVID-19 free province ang Ilocos Sur.