CAUAYAN CITY- Matagumpay ang paglulunsad sa aklat na may pamagat na ‘Ang Huling Kanlungan ni Heneral Tomoyuki Yamashita” sa Camp Melchor Dela Cruz sa barangay Upi, Gamu, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng Author ng aklat na si Dr. Aida Paraguison na siya ay iskolar ng National Commission for Culture and the Arts mula 2015 hanggang 2016 at na-obligang maghain ng research at napili niya ang “Ang Huling Kanlungan ni Heneral Tomoyuki Yamashita”
Napili niya ito dahil sa napakahalagang mai-dokumento ang mga pahayag ng mga matatanda sa Tinoc, Ifugao may kaugnayan sa World War 2.
Anya unti-unti nang sumasakabilang buhay dahil sa katandaan kaya’t kailangan nilang gumawa ng paraan upang sila ay makapanayam kaugnay ng mga kaganapan noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Ang mga matatanda aniya ay nakita nang personal si Heneral Yamashita noong World War 2 sa Barangay Wangwang, Tinoc, Ifugao.
Dahil sa pagmamahal sa kultura at kasaysayan ay ninais niyang sumulat ng isang dokumento hinggil sa kasaysayan ng ikalawang digmaang pandaigdig kaya naisulat niya ang “Ang Huling Kanlungan ni Heneral Tomoyuki Yamashita”.
Nakapaloob sa libro ang mga talaang pangkasaysayan hinggil sa huling kanlungan ni Heneral Yamashita bago ang kanyang hindi opisyal na pagsuko sa Kiangan, Ifugao.
Itinatampok nito ang Bungubung tunnel sa Wangwang, Tinoc, Ifugao bilang huling Campsite ni Heneral Yamashita.
Binigyang diin din nito ang makabuluhang kontribusyon ng mga sundalong Pilipino sa nasabing pagsuko ni General Yamashita.
Ang aklat na “Ang Huling Kandungan ni Heneral Tomoyuki Yamashita” ay gagamitin bilang reference material ng DEP-ED at CHED para sa pagbabalik tanaw ng mga nakaraan sa mga nangyari noong ikalawang digmaang pandaigdig sa bansa.
Ang libro ay naitampok na rin sa bansang Japan noong buwan ng Mayo, 2021.