-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng mga Aklanon ang pagkapanalo ng pambato ng lalawigan bilang Miss Eco Philippines 2021 na si Miss Kathleen Paton sa katatapos lamang na coronation night ng Miss World Philippines 2021 na ginanap sa Subic Bay Exhibition and Convention Center sa Olongapo, Zambales.

Maliban dito, nasungkit din ng Filipina-Australian beauty na tubong Barangay Laserna, Nabas, Aklan ang special awards na Miss Photogenic.

Si Miss Paton ang magiging pambato ng Pilipinas sa Miss Eco International na gaganapin sa bansang Egypt sa March 2022.

Una rito, nakapasok sa Top 10 Finalist para sa Top Model competition si Miss Paton na ginanap sa Gala Charity Night noong July 22, 2021 sa Grand Ballroom, Okada, Manila kung saan otomatiko siyang nakapasok sa semifinalist ng coronation night.

Matandaan na kinoronahan si Miss Paton bilang Miss Teen International 2017 sa Bangkok, Thailand at naging Miss Manila 2018 kung saan, naiuwi ang P1-million cash prize.