KALIBO, Aklan – Patuloy na nakakapagtala ang lalawigan ng Aklan ng pinakamaraming bilang ng COVID-19 cases bawat araw sa buong Western Visayas.
Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon, Jr. ng Provincial Health Office, batay sa case bulletin ng Department of Health (DOH-6), ang Aklan ay may average na mahigit sa 100 cases kada araw.
Kahapon lang ay naitala ang record-breaking na 170 na bagong kaso.
Sa kabuuang 375 na isinailalim sa RT-PCR tests, 170 ang nagpositibo o may positivity rate na 45.3%.
Dahil sa tumataas na average daily attack rate (ADAR), ibig sabihin nito, nananatiling nasa “high risk” ang probinsiya para sa COVID-19.
Sa kabilang daku, matapos makapasok ang tatlong Beta variant at dalawang P3 variant ng COVID-19, muli silang nagpadala ng swab specimens sa Philippine Genome Center upang isailalim sa genome sequencing.
Dagdag pa ni Dr. Cuatchon na mahalaga pa rin ang pagsunod sa minimum health standards upang maiwasan ang transmission ng deadly virus.