Aminado ang celebrity couple na sina AJ Raval at Aljur Abrenica na mas gumaan ang kanilang pakiramdam sa kauna-unahang paglabas sa publiko kasama ang kanilang mga anak, matapos aminin na tatlo na ang kanilang supling, bukod pa sa naunang dalawa.
Nabatid na pinayuhan sila ng ama ni AJ, si Jeric Raval, na huwag nang itago ang pagkakaroon ng mga anak at huwag nang tularan ang dating sitwasyon kung saan hindi agad sila ipinakilala sa publiko.
Sa halip na party o pasyalan ang puntahan, pinili nilang bumisita sa chapel ng Members Church of God International (MCGI) sa Apalit, Pampanga. Ang MCGI ay kilala ring nasa likod ng Ang Dating Daan program noon ni Bro. Eli Soriano.
Taliwas sa mga naunang karanasan ng pag-atake mula sa mga bashers sa internet nina AJ at Aljur, magalang silang sinalubong sa MCGI event bilang mga bisita.
Maging ang kanilang mga anak ay “at home” na nakipaglaro sa ibang mga bata sa lugar.
Nabatid na si Jeric Raval ang unang naging miyembro ng MCGI sa kanilang pamilya, at doon niya natutunang iwanan ang kaniyang mga bisyo.
Gayunman, ayon sa aktor, hindi niya pipilitin ang kaniyang anak na tumulad sa kaniyang mga desisyon, dahil nasa tamang edad na umano si AJ at malaya nang nakapagpapasya para sa sarili at sa kaniyang pamilya.
Umaasa si Jeric na magtutuloy-tuloy na ang magandang nasimulan ng mag-asawang AJ at Aljur para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak.















