Inanunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na babawasan ang mga in-person na aktibidad sa pagho-host ng Pilipinas ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) ngayong taon, bilang tugon sa pandaigdigang tensyon at pagtaas ng gastos lalo na ang presyo ng langis.
Ayon kay Speaker Dy, lilimitahan na lamang sa General Assembly sa Oktubre at Interface Meeting sa Nobyembre ang mga pisikal na pagtitipon, habang isasagawa online ang iba pang preparatory meetings.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas episyente ang mga opisyal na aktibidad.
Binigyang-diin ng Speaker na nakaapekto ang krisis sa Middle East sa pagtaas ng presyo ng langis, na nagpapamahal sa biyahe at iba pang gastusin sa pagho-host.
” Following the guidance of the President, we are adopting necessary austerity measures in our AIPA hosting—without compromising its objectives. We will focus our resources on the meetings that matter most, while ensuring that the work of parliamentary diplomacy continues uninterrupted,” pahayag ni Speaker Dy.
Sa kabila ng cost cutting, siniguro ni Speaker Dy na patuloy nilang gagampanan ang iniatas na tungkulin bilang host ng AIPA.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Maria Rachel Arenas na inaayos na ang mga paghahanda upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng hybrid setup ng AIPA meetings.
Iginiit ni Dy na sa kabila ng pagbabagong ito, mananatiling aktibo ang Pilipinas sa ugnayang parlamentaryo sa ASEAN, habang inuuna ang kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtitipid at paggamit ng digital platforms.














