-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Target ng isang AgSurnon athlete na makapasok sa 2028 Summer Olympics sa Los Angeles, California mula Hulyo a-14 hanggang a-20, 2028 matapos mabasag ang 22-taong national record sa marathon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, inihayag ni Sonny Wagdos, residente ng Prosperidad kung saan ginaganap ang Palarong Pambansa 2026, na noong Marso a-1 ngayong taon ay nabasag niya ang national record sa Tokyo Marathon sa Japan matapos makuha ang time na 2 oras at 14 minuto para sa 42-kilometrong takbuhan na sapat upang malampasan ang record ng kanyang coach na si Edwardo Buenavista na may finish time na 2 oras at 18 minuto.

Bukod sa bagong record, nakasungkit din si Wagdos ng bronze medal sa Southeast Asian Games (SEA Games) sa Thailand kung kaya’t dito muling nabuhay ang kanyang pangarap na makasali sa Olympics.

Ngayon na naabot na niya ang Olympic standard, kailangan niya itong mapanatili sa mga susunod pang kompetisyon sa ilalim ng World Athletics.

Hinikayat din niya ang mga atleta sa Palaro na ipagpatuloy ang kanilang training at disiplina sa sarili, magtiwala sa Diyos, at laging makinig sa coach upang matupad ang kanilang mga pangarap.