-- Advertisements --

Umapela sa pamahalaan ang grupong Philippine Chamber of Agriculture and Food na maglaan ito ng maayos na sistema ng pautang para sa mga magsasaka ng bansa.

Ayon kay Danilo Fausto, ang presidente ng grupo, bagaman mayroon nang nakalaang pautang para sa mga magsasaka ng bansa, kailangan aniya ng mas simple at maayos na sistema ng pautang para sa kanila.

Sinabi ni Fausto na maraming mga magsasaka sa bansa ang hindi rin nakapagtapos ng Elementarya at Sekondarya, kayat marami sa kanila ang nahihirapang makapag-comply sa mga requirement.

Habang ang iba naman aniya ay nahihiyang pumasok sa mga banko upang makapangutang.

Maliban sa sistema ng pautang, umapela rin ang grupo na maglaan ang pamahalaan ng mga extension workers o extension group para tumulong sa mga magsasaka sa paghahanda ng mga technical details ng kanilang mga loan, katulad ng cash flow, loan proposals, balance sheet, at iba pang kakailanganin ng mga banko.

Marami man aniya ang mga banko na may programang pautang para sa mga magsasaka ngunit dahil sa hirap ng sistema, at dahil sa nahihiyang lumapit, napipilitan ang mga ito na umutang na lamang sa mga loan shark at mga traders, na lalo pang nagpapahirap sa mga ito.