-- Advertisements --

KALIBO, Aklan-Ligtas na nahatak papuntang dalampasigan si Agham Party-list representative Angelo Palmones at ilang kasamahan nito matapos na magkaaberya ang speed boat ng kanilang parasailing habang nasa gitna ng dagat sa isla ng Boracay.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo, nagbakasyon sa isla ang opisyal kasama ang ilang kaanak kung saan hindi pinalagpas ng mga ito ang ilang water sports activity na alok ng accommodation establishment kung saan sila pansamantalang nagpalipas ng ilang araw dahil sa long weekend sa nagdaan na holy week.

Isa ang nasabing water sports activity na hindi inaayawan ng mga turista dahil nakikita ang buong ganda ng tanyag na isla kapag nasa himpapawid ka.

Nabatid na libo-libong turista ang pumasok sa Boracay mula noong araw ng Huwebes kung saan, umabot sa halos 13,000 ang tourist arrival na naitala ng Malay Tourism Office sa loob ng isang araw.

Maliban dito, nadagdagan pa ng 7,000 kada araw ang nasabing bilang hanggang kahapon Easter Sunday.

Una nang sinabi ng lokal na pamahalaan ng Malay na inaasahan nila na maraming tatawid sa Boracay dahil sa magandang panahon gayundin ang mas pinaluwag na travel restriction.