Pumalo na sa 167 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Agaton.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamaraming namatay ay mula sa Visayas, habang mayroon din sa Mindanao.
Sa Eastern Visayas pa lang, 151 na ang binawian ng buhay.
Nasa 11 naman mula sa Western Visayas, tatlo sa Davao region at dalawa sa Central Visayas.
Gayunman, posible pa umanong tumaas ang naturang bilang dahil may 110 nawawala at walo ang nasugatan.
Sa kabuuan, may 1,939,514 katao o 562,548 pamilya ang nai-record na naapektuhan ng bagyong Agaton sa 2,424 barangays mula sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro.
Nakapagtala naman ng 209,162 katao o 59,999 pamilya na inilikas patungo sa 959 evacuation centers, habang 139,197 katao o 100,921 pamilya ang nanatili sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.