-- Advertisements --

Ngayong papalapit na nang papalapit ang inaasahang pagdating ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas, umaapela ang isang kongresista sa national government na maglunsad ng malawakang information drive patungkol sa mga bakunang gagamitin sa naturang programa.

Partikular na tinukoy ni San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes ang tungkol sa safety at efficacy ng mga bakuna kontra COVID-19 dahil mahalagang malaman ng publiko mula mismo sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung ano ang totoo.

Masyadong marami na kasi aniyang nagsilutangan na impormasyon patungkol sa COVID-19 vaccines kaya marami sa mga Pilipino ang nalilito at balisa o may agam-agam sa pagpapaturok ng naturang bakuna.

Batid niya aniya ito dahil sa kanyang pag-iikot sa kanyang distrito ay natukoy niya na marami ang mayroong pag-alinlangan na magpabakuna.

Gayunman, naniniwala ang kongresista na iyong ligtas at epektibong bakuna ang pipiliin ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccination program nito.