-- Advertisements --

Tiniyak ni AFP-Western Command (Wescom) Commander, Vice Admiral Alberto Carlos na patuloy ang ginagawang pagsisikap ng militar para itaguyod ang sovereign rights ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ito’y sa kabila ng pagiging agresibo ng China sa pinag-aagawang teritoryo at ng iba pang mga claimant countries.

Ayon kay Carlos, may mga hakbang silang ipinatutupad para igiit at protektahan ang ating sovereign rights sa nasabing rehiyon.

Una ang effective occupation, kung saan kanilang pinalalakas ang presensiya sa mga isla at islets na sakop ng teritoryo ng bansa, gaya ng presensiya ng BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Ayon sa Heneral may mga sundalong nagbabantay sa mga nasabing lugar.

Pangalawa, ang pinalakas na presensiya ng mga barko hindi lamang ng Philippine Navy kundi maging ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa ngayon ayon kay Carlos, nadagdagan pa ang bilang ng mga barko ng Pilipinas na nagpapatrulya sa West Philippine Sea.

Aniya, hindi nagpapatinag ang ating mga barko sa mga barko ng China.

Binigyang-diin ni Carlos, sa pamamagitan ng pinalakas na presensiya sa tinaguriang disputed island, pino protektahan natin ang soberenya ng bansa.

Pinaigting din ng Western Command ang kanilang kampanya hinggil sa maritime domain awareness na mahalaga para magkaroon ng tamang kamalayan ang bawat isa hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.