Welcome sa Armed Forces of the Philippines ang naging pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inamyendahang batas na nagtatakda ng fixed term para sa mga matataas na opisyal ng ng militar.
Sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Medel Aguilar na walang nakikitang masama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa naturang desisyon ng pangulo dahil napapanahon na rin aniya ito sa ngayon.
Kasabay nito ay iginiit din ng opisyal na naniniwala ang AFP na sa pamamagitan ng kautusang ito ay mapapatibay pa ang propesyunalismo ng Military at matitiyak din aniya na magtutuloy-tuloy ang mga programa sa kanilang hanay.
Aniya, dahil dito ay mapapanatili din ng AFP ang kanilang dynamic at progressive na sistema sa promosyon sa hanay ng Militar upang mabigyan din ng pagkakataon ang lahat ng senior officials ng militar na ipakita ang kanilang husay sa pamumuno.
Kung maalala, kaugnay nito ay una nang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act 11939 na nag-aamiyenda sa Republic Act 11709 kung saan gagawin na lamang 2 taon mula sa kasalukuyang 3 taon na termino ng Major Service Commanders kabilang na ang Commanding Generals ng Army, Navy, at Air Force, at gayundin ang Superintendent ng Philippine Military Academy.
Bagaman mananatili sa 3 taong termino ng Chief of Staff ng AFP sa ilalim ng fixed term, mapapalawig naman ng isa pang taon ang serbisyo ng mga Sundalong may ranggong 2nd Lieutenant o Ensign hanggang Lieutenant General o Vice Admiral.