Kapwa pina-alalahanan ng PNP at AFP ang mga pulis at sundalo na mahigpit na ipinagbabawal ang magpapaputok ng kanilang armas sa pagsalubong sa Bagong Taon mamaya.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, naka cascade na sa lahat ng AFP units sa buong bansa ang nasabing instruction ni AFP chief of staff Gen. Noel Clement.
Umaasa si Clement na tatalima dito ang lahat ng mga sundalo dahil propesyunal ang mga ito.
Binigyang-diin naman ni Arevalo na ang mga sundalong lalabag sa nasabing utos ni AFP chief mananagot.
Una rito dalawang sundalo ang inaresto ng PNP sa BARMM dahil sa pagpapaputok ng kanilang armas.
Naka-alerto din ang mga sundalo lalo na sa Mindanao kung saan mamayang hatinggabi magtatapos ang umiiral na Martial Law.
Tiniyak ng militar na kontrolado nila ang sitwasyon lalo na sa Mindanao.
Ang mga naitalang pagsabog kamakailan ay itinuturing na isolated cases lamang ng militar.