-- Advertisements --

Pinuri ni Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kasunod nang pagkakaaresto sa mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Atimonan, Quezon.

Kamakailan lang ay naaresto ng AFP at PNP ang dalawang mataas na opisyal ng NPA sa loob ng bahay ni Board Member Rhodora “Dhoray” Blas Tan sa Barangay Zone 3 ng munisipalidad ng Atimonan.

Ayon kay Tan, ang pagkaka-aresto sa dalawang NPA members na ito ay nagpapakita lamang na pursigido ang AFP at PNP na tiyaking ligtas ang bansa at nasusunod ang batas kahit sa gitna ng pandemya.

Samantala, nananawagan naman ang kongresista sa pulisya at militar na kaagad imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot umano ng may-ari ng bahay kung saan naaresto ang mga NPA members.

Nakuha kasi aniya doon ang ilang matataas na kalibre ng baril.

Mariing itinanggi naman ng kongresista na kamag-anak niya ang Board Member na pinasok ng mga pulist at militar ang bahay.

“While we share the same family name, we are not in any manner related to each other. I took my husband’s last name, Engr. Ronnel Montanez Tan, a native of Gumaca, Quezon,” ani Tan, chairman ng House Committee on Health.

“On the other hand, Dhoray Tan took the surname of her husband, a certain Jason Tan from Atimonan, Quezon,” dagdag pa nito.