-- Advertisements --

Parehong aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na manageable na ang sitwasyon sa Mindanao dahilan para hindi na palawigin pa muli ang umiiral na batas militar na magtatapos sa December 31, 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom commander Lt Gen. Cirilito Sobejana, aniya kontrolado nila ang sitwasyon ngayon lalo na sa Western Mindanao sa kabila ng presensiya ng mga teroristang Abu Sayyaf at ISIS-inspired groups.

Ayon kay Sobejana, nirerespeto nila ang naging pananaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi na ito pabor pa para i-extend pa ang martial law sa Mindanao.

Giit ng heneral, magsusumite pa rin sila ng kanilang “honest to goodness” security assessment sa susunod na buwan.

Siniguro ni Sobejana na kung ano ang magiging desisyon ng national leadership ay tatalima sila rito.

Sinabi ni Sobejana malaki ang naging kontribusyon ng mga mamamayan at mga LGUs para maging maayos ang peace and order sa Mindanao.

Naniniwala naman ang heneral na walang magiging epekto sa seguridad sa BARMM kapag tuluyan ng ma-lift ang martial law dahil nakikipag-ugnayan ang mga opisyal sa militar lalo na kapag may kinalaman sa seguridad.

Samantala, nasa proseso na rin ngayon ang PNP sa pagsasagawa ng security assessment sa Mindanao.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, hinahanda na nila ang kanilang report ng sa gayon kapag hilingin na ito ng security cluster sa susunod na buwan ng Disyembre ay handa na ito.

Sinabi ni Banac, maganda na ang peace and order ngayon sa Mindanao.