Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa iba pang mga lokal na pamahalaan na opisyal na ideklara ang Hulyo 12 bilang West Philippine Sea (WPS) Victory Day.
Kasunod ito ng naunang hakbang ng Cebu City at ng bayan ng Labrador, Pangasinan, na nagpasa ng mga lokal na patakaran upang gunitain ang makasaysayang 2016 arbitral victory ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Spokesperson for WPS Ret. Admiral Roy Vincent Trinidad, buong-pusong sinusuportahan ng militar ang inisyatiba ng mga nabanggit na lokalidad.
Aniya, ang mga hakbang na ito ay nagpapatibay sa kamalayan at pagtanggap ng publiko sa lehitimong legal na tagumpay ng bansa laban sa malawakang pag-aangkin ng China sa karagatan.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pag-institutionalize sa milestone na ito, muling pinagtitibay ng mga LGU ang legal at moral na panalo ng bansa sa ilalim ng 2016 Arbitral Tribunal Award.
Binigyang-diin din ng opisyal na ang mga deklarasyong ito ay nagsisilbing pagpupugay sa mga Pilipinong sundalo at personnel na patuloy na nagbabantay at nagtatanggol sa ating maritime interests.
Matatandaang, noong nakaraang buwan, nagpasa ang lungsod ng Cebu ng isang resolusyon para sa pagdiriwang ng WPS Victory Day tuwing Hulyo 12. Hinimok din nito ang Kongreso na ipatupad ito sa buong bansa.
Nagpalabas din ng isang Executive Order ang lokal na pamahalaan ng Labrador sa Pangasinan para sa taunang paggunita ng arbitral ruling. Inatasan din nito ang mga paaralan na magdaos ng mga aktibidad na nagtuturo sa kahalagahan ng tagumpay na ito.















