
Tiniyak ng militar sa Sulu na hindi makakapaglunsad ng paghihiganti o retaliatory attacks ang Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito’y matapos maaresto ang babaeng Indonesian bomber at ang dalawang iba pang babae na pawang asawa ng mga Abu Sayyaf sa ikinasang Joint law enforcement operations ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at PNP (Philippine National Police) kaninang madaling araw sa Barangay San Raymundo, Jolo,Sulu.
Ang mga nadakip ay nagngangalang Rezky Fantasya Rullie, alyas Cici; Inda Nurhaina, asawa ni ASG sub-leader Ben Tatoo; at Fatima Sandra Jimlani, asawa naman ni Jahid Jam, na isang ASG member.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joint Task Force Sulu Spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, sinabi nito na hindi nila dini-discount ang posibilidad na maglunsad ng paghihiganti ang teroristang grupo.
Pero ayon kay Mateo, dahil sa pinalakas na security measures na ipinapatupad ng AFP at PNP sa probinsiya ay hindi makakabuwelo ang mga ito.
“Yes possible ‘yan, pero ongoing ‘yung military operations sa paghahabol dito sa mga sub-leaders na to. I don’t think na makapag-perpetrate sila ng mga atrocities dahil ‘yung mga operators natin ‘yung Joint Task Force Sulu at Philippine National Police tuloy na tinutugis ang grupo ni Mundi Sawadjaan,” ani Lt. Col. Mateo.

Gayunman, hindi minamaliit ng militar ang kakayahan ng ASG.
Kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng Sulu Police Provincial Office ang mga banyagang suicide bomber.
Nakuha sa kanilang posisyon ang gagamitin sanang suicide vest na may nakasabit na pipe bombs at iba pang mga improvised explosive device (IED) components.
















