-- Advertisements --

Magpapatupad ng kaukulang mga adjustments ang Armed Forces of the Philippines hinggil sa pagkakasa ng rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng kaniyang personal na pagbisita sa mga tropa ng militar na idine-deploy sa BRP Sierra Madre at maging sa tatlong sundalong nagtamo ng malaking pinsala dulot ng pinakahuling pangbobomba ng China Coast Guard ng watercannon sa resupply vessel ng Pilipinas na Unaizah May 4 sa kasagsagan ng kanilang misyon sa West Philippine Sea.

Bahagi kasi aniya ng kanilang tungkulin na magpatuloy sa paghahatid ng supply sa mga sundalong Naka-base sa BRP Sierra Madre at panatilihin ang kanilang mga operasyon upang tiyakin ang mataas na morale at welfare ng tropa.

Aniya, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ngayon ang AFP sa PCG, BFAR, at iba pang ahensya ng gobyerno para pagplanuhan ang mga susunod na hakbang para sa pagkakasa ng RoRe mission at maiwasan na maulit pang muli ang ganitong insidente na may nasasaktan at nasusugatang tropa ng Pilipinas.

Kasunod nito ay muling iginiit ni AFP Chief Brawner ang mga katagang “The Philippines will not be dettered” kasabay ng pagbibigay-diin na HINDING-hindi magpapagapi ang Pilipinas sa pagtataguyod ng karapatan at soberanya ng ating bansa sa ating teritoryo sa West Philippine sea.