-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Dumipensa ang Armed Forces of the Philippines sa desisyon nilang i-cremate ang bangkay ni CPP-NPA-NDF Mindanao spokesperson Jorge Madlos alyas Ka Oris, na namatay sa engkuwentro sa Bukidnon noong Oktubre 30, 2021.

Ayon kay 4th Infantry ‘Diamond’ Division,Philippine Army spokesperson Maj Francisco Garello Jr., selyadong ibinaba sa bundok ng Impasug-ong ang bangkay ni Ka Oris bago dinala sa Cagayan de Oro para i-cremate dahil napag-alaman na positibo pala ito sa COVID-19.

Una rito, sinabi ng nagpakilalang tagapagsalita ng CPP na si Marco Valbuena na mayroong nangyaring cover up sa panig ng mga sundalo kaya mindali ang cremation ni Ka Oris.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Garello na ang desisyon nilang i-cremate ang bangkay ni Ka Oris ay alinsunod na rin sa protocols ng IATF.

Bukod dito, ang naturang hakbang ay inirekomenda ring gawin aniya ng local government unit ng Bukidnon.

Samantala, sinabi ng opisyal na ang pagkamatay ni Oris ay maituturing na ring pagbibigay hustisya sa maraming napaslang na sibilyan mula nang pumasok ito sa CPP-NPA-NDF noong 70 hanggang sa naging isa sa mga pinakamataas na opisyal ng kanilang organisasyon.