Walang nakikitang dahilan si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. para magsagawa pa ng lifestyle check sa lahat ng mga kasundaluhan.
Ito ay sa gitna ng mga isyu ng umano’y namumuong destabilisasyon laban sa pamahalaan na mariin namang itinatanggi ng AFP.
Sa kabila kasi ng mga isyung nagtatangkang dumungis sa relasyon ng Sandatahang Lakas at ng administrasyong Marcos Jr. ay naniniwala at nanindigan pa rin si Gen. Brawner na nananatiling tapat ang buong hanay ng kasundaluhan ating pamahalaan.
Kung maaalala, una nang kinumpirma ni AFP Chief Brawner na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanguna sa kanilang isinagawang kauna-unahang command conference ngayong taong 2024 kung saan tinalakay nito ay iba’t-ibang mga usapin na may kaugnayan sa paglaban sa insurhensiya sa bansa, kasabay ng patuloy at mas maigting pang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea at maging sa pagtugon sa mga kalamidad at sakuna na posibleng kaharapin ng ating sa mga susunod na panahon, at marami pang iba.
Kapansin-pansin na hindi kabilang ang usapin ng umano’y isyu sa destabilisasyon sa mga tinalakay ng ng AFP sa naturang command conference kasama ang pangulo.
Sabi ni Gen. Brawner, mas isinentro kasi nito ang kanilang pagtitipon sa mga usaping mas makabuluhan para sa ating bayan.