Personal na nagpaabot ng pakikiramay si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa mga naulilang pamilya ng apat na sundalong tinambangan ng mga teroristang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group sa Maguindanao del Sur.
Ito ay sa kaniyang personal na pagbisita sa burol ng naturang mga sundalo kasabay ng kaniyang pagpapahayag ng buong pusong pakikidalamhati naiwang pamilya at mga kaanak ng mga ito.
Dito ay tiniyak ni AFP Chief Brawner na magpapaabot ng tulong ang Hukbong Sandatahan para sa mga pamilya ng apat na sundalong Sina Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pvt. 1st Class Carl Aranya, at Cpl. Creszaldy Espartero.
Kung maaalala, Linggo ng umaga, Marso 17, 2024, tinambangan ng mga terorista ang apat habang pa pabalik sa kampo ang mga biktimang sundalo mula sa kanilang pamimili ng mga suplay bilang bahagi ng kanilang community service.
Kasunod nito ay tiniyak ni AFP Chief Brawner na tutugisin at pananagutin nila ang mga salarin sa likod ng nasabing pag-atake kasabay ng pangakong susugpuin ang lahat ng puwersa ng mga terorista sa bansa upang matuldukan na ang paghahasik ng mga ito ng takot at krimen.