-- Advertisements --

CENTRAL Mindanao – Nasa heightened alert ngayon ang militar at pulisya sa posibleng paghihiganti ng mga terorista sa pagkasawi ng tagapagsalita ng Islamic State of Iraq and Syria-East Asia (ISIS-EA) sa special operation ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Abdulfatah Omar Alimuden alyas Abu Huzaifah at residente ng Crossing Salbo, Barangay Poblacion, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Wesmincom na nagsagawa ng military special operation ang tropa ng 601st Brigade, 40th Infantry Battalion at Army Intelligence Unit laban kay Alimuden.

Nang mamataan ng Joint Task Force Central ang suspek ay nagtangka umano itong lumaban kaya inunahan na nila ito.

Sinabi naman ni Western Mindanao Command chief, Lieutenant General Alfredo Rosario Jr na maliban sa tagapagsalita ng ISIS-East Asia si Abu Huzaifah ay siya rin ang naatasan ng mga terorista sa financial transactions ng Dawlah Islamiyah-Philippines sa ISIS Central o finance officer.

Unang napaulat na nakaupo lamang si Alimuden sa nakaparadang Elf truck ‘di kalayuan sa kanyang bahay nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na lulan ng kulay puti na Toyota Fortuner.

Pinabulaanan naman ng pamilya ni Alimuden na ito ay terorista at isa lamang daw ordinaryong mamamayan ng Maguindanao.

Pinuri ni Lt. Gen Rosario ang operating troops sa matagumpay nilang operasyon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang high level operation ng Joint Task Force Central laban sa mga kasamahan ni Alimuden.