Malayo pa raw para maabot ng Commission on Elections (Comelec) ang kaninang target na apat na milyong botanteng magre-rehistro para sa 2022 elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sa ngayon nasa 1.117 million pa lamang ang aplikante para sa registration kaya naman ipinanukala na nito ang adjustments ng schedule maging ang venue ng registration.
Aniya, sa ngayon, hinihintay na lamang niya ang desisyon ng Comelec en banc sa kanyang suhestiyon na palawigin ang oras ng registration at ang pagsasagawa ng registration sa mga barangay.
Sa ngayon kasi alas-8:00 ng umaga hanggang alaa-3:00 ng hapon mula Lunes hanggang Huwebes ang registration sa lahat ng Office of Election Officers (OEOs) nationwide.
Naniniwala si Guanzon na hinihintay na ng mga kababayan natin sa mga barangay ang kanyang panukala.
Aniya mas mainam na isagawa ang registration sa barangay para hindi na kailangang bumiyahe ng mga magpaparehistro dahil na rin sa panganib na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dagdag ni Guanzon, nakikipag-ugnayan na rin ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) para payagan ang mga Pinoy sa ibayong dagat na mag-register na online.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Guanzon ang mga magrerehistro na sundin ng mga ito ang mga health protocols sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at face shield at kailangang magdala sila ng kanilang sariling ballpen.
Kung maalala ang voter registration period ay muling binuksan noong Setyembre 1, 2020 at magtatapos sa Septyembre 30 ngayong taon.