Kinumpirma ngayon ng pamunuan ng Pambansang Pulisya na pinakawalan na nga ngayon ang umano’y suspek sa pagpatay kay Father Richmond Nilo sa Nueva Ecija.

Ayon kay PNP Spokesperson PSSupt. Benigno Durana, pinakawalan na ng PNP ang suspek na si Adel Roll Milan na itinurong principal suspek sa pagpatay kay Father Nilo habang nagmimisa ito.

Hindi naman sinabi ni Durana ang dahilan kung bakit pakakawalan si Milan.

Aniya, naghihintay pa sila ng official report mula sa Police Regional Office 3 ukol dito.

Una ng inanunsiyo ni Atty. Larry Gadon, ang tumatayong abugado ni Milan na pakakawalan na ang kaniyang kliyente dahil sa “mistaken identity.”

Batay sa pinirmahang waiver ni Milan, hindi siya magsasampa ng kaso laban sa mga pulis na umaresto sa kaniya.

Naglabas na rin ng release order ang Regional Trial Court Branch 27 ng Cabanatuan City, para kay Millan kahapon, June 28,2018.

Si Millan ay nanatili sa kustodiya nina PO3 Aden Joy Duran at PO3 Efren Calido ng Provincial Intelligence Branch sa Cabanatuan City.